Nagbabalik bansa ang ngayo’y businesswoman na si Bambi Moreno, na nakilala sa showbiz bilang Arthur Benedicto — isang action star at kontrabida sa mga pelikula at palabas noong 1980’s.
Kabilang sa kanyang mga kasabayan sa industriya at nakasama sa mga proyekto noon ay sina Jestoni Alarcon, Lotlot De Leon, Jojo Alajar, John Regala at Janice De Belen.
Isa sa mga dahilan ng kanyang pagbabalik ay ang kanyang sisimulang business sa bansang Japan, kung saan 38 taon na umano siyang naninirahan. “Magtatayo ako ng bar sa Japan. Yung mga Pilipino kasi maraming talent, matatalino. Gusto ko silang ipadala sa Japan and then, magtulungan tayo. Wala dun na comedy bar na katulad dito sa atin,” pahayag ni Bambi.
Sa sitwasyon ng mga Pinoy ngayon sa Japan, masaya pa rin umano kahit na mababa ang rate ng pera doon sa kasalukuyan. “Kasi kahit na wala ka nang pera, bubuhayin ka ng gobyerno,” ibinahagi ni Bambi. Mas prayoridad umano ng gobyerno doon ang mga tao kaysa sa pera. “Pag bagsak ka na, bibigyan ka nila ng ayuda pati bahay. Lahat ibibigay nila sa’yo.”
Ibinahagi rin ni Bambi, na isa nang transwoman, ang kanyang mga naging karanasan sa pagbabago ng kanyang kasarian. Nahirapan umano siya noon na itago ang kanyang totoong kasarian lalo na kapag nakikisalamuha sa mga kasamahan sa industriya at sa kanyang fans. Nagbago ang lahat noong magtapos siya sa kolehiyo sa kursong Business Management, at nagkaroon ng kalayaan na gawin ang kanyang mga gusto sa buhay.
Ngayong magiging madalas ang kanyang pag-uwi sa bansa dahil sa pag-aasikaso ng itatayong business, naging bukas si Bambi sa kagustuhang bumalik sa showbiz dahil hinahanap-hanap umano ito ng kanyang katawan.
“Gustong-gusto ko kasing lumabas sa Batang Quiapo. Ang daming nanonood ng Batang Quiapo sa Japan. And then, mentor ko si [Direk] Joel Lamangan. Ang daming fan din ng KimPau,” kwento nito.
Sa role na gusto niyang gampanan sa sikat na primetime serye na pinagbibidahan ni Coco Martin, gusto umano ni Bambi na gampanan ang karakter ng batikang direktor na si Joel Lamangan bilang si Roda kung sakaling may plano na gawan ito ng backstory.