Magkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang timeslot sa A2Z ang ilang programa ng ABS-CBN Corporation.
Ito ay dahil magsisimula na ngayong araw, November 5 (Sunday) ang bagong season ng Philippine Basketball Association o PBA.
Matatandaang inanunsyo ni TV5 President Guido Zaballero ang pagpasok ng PBA sa A2Z kasunod ng agreement ng PBA at TV5/Cignal sa ABS-CBN Corporation at ZOE Broadcasting Network, ang parent company ng A2Z.
Sa kanilang social media account, inanunsyo ng programang "Tao Po!" ng ABS-CBN News na mapapanood sila sa A2Z tuwing Linggo sa bago nitong oras, 2:15PM pagkatapos ng ASAP Natin 'To! samantalang mawawala naman sa programing line-up ng A2Z ang top-rating Kapamilya movie block na "FPJ Da King".
Magkakaroon naman ng delayed telecast every Sunday ang Everybody Sing (8:45PM) at I Can See Your Voice (10:15PM) na mapapanood pagkatapos ng 2nd game ng PBA.
Sa weekday block naman, mapapanood na lang tuwing Lunes, Martes at Huwebes sa A2Z ang Primetime Bida shows na Minute To Win It, FPJ’s Batang Quiapo, Can't Buy Me Love, Senior High at The World of a Married Couple upang magbigay daan sa Wednesday and Friday games ng PBA.
Hindi naman magagalaw ang ibang ABS-CBN shows sa A2Z tulad ng It's Showtime, ASAP Natin 'To!, Rated Korina, Pira-Pirasong Paraiso, Nag-aapoy na Damdamin, TV Patrol, TV Patrol Weekend, My Puhunan at iba pa gayundin ang oras nila sa Kapamilya Channel, TV5 at GTV (para sa oras ng It's Showtime).