Mas pinasaya ng Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) ang pagtuturo ng mahahalagang Filipino values sa kabataan, hatid ang proudly Pinoy animated series na "Heneral Tuna" na kasalukuyang napapanood sa Knowledge Channel, katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Mula sa produksyon ng NCCA, iikot ang istorya nito sa pakikipagsapalaran ng intergalactic cat na si Heneral Tuna mula sa planetang Mingming, na inatasang pumunta ng Planet Earth para sa kanilang planong sakupin ang mundo. Subalit bumagsak ang kanyang sinasakyang spaceship at siya'y napadpad sa Barangay Hiraya, kung saan naman siya kinupkop ng kanyang magiging kaibigan na si Pat-Pat at ng kanyang pa-mil-ya at doon niya masasaksihan ang araw-araw na gawi at kaugalian ng mga Earthling.
Layunin ng mini-serye na bigyang-diin sa kada-episode ang kahalagahan ng pagkatuto ng natatanging kaugaliang Pilipino sa mga chikiting—mula sa pagmamahal sa pamilya, pagiging matulungin sa kapwa, pananampalataya, at iba pa.
Nitong Martes (Nobyembre 7) ay nasaksihan ng mga mag-aaral ng Pedro Guevara Elementary School sa Maynila ang nakatutuwang adventures ni Heneral Tuna kasabay ng pagpapalabas nito sa Knowledge Channel.
Saad ng KCFI vice president at director of operations na si Edric Calma, sana ay may matutunan ang mga kabataan sa animated series na layong pagtibayin ang kahalagahan ng Filipino values, gayundin ang pagpapamalas sa ating sariling kultura.
"Malugod naming tinatanggap ang bagong partnership project na ito sa NCCA. Tulad ng magiging mga reyalisasyon ni Heneral Tuna sa kanyang pananahan sa Barangay Hiraya, sana ay maraming matutuhan ang ating mga mag-aaral sa ating kolektibong halagahan bilang Pilipino. Masaya kami na sa pamamagitan ng malikhaing seven-episode animated series na ito ay nabibigyang halaga din ang sining at kultura ng iba’t ibang rehiyon sa ating bansa. Bukod pa rito, inaasahan namin ang patuloy na tagumpay ng aming pakikipagtulungan sa Wikaharian sa NCCA na tumutulong sa pagtuturo ng maagang pagbasa at pagsulat sa Filipino," aniya.
Lubos din ang pasasalamat ng NCCA sa Knowledge Channel sa paghahatid ng programang ito sa mas nakararaming kabataan sa bansa, at sa pakikibahagi sa kanilang adbokasiya na palawigin ang kahalagahan ng kaugalian at kulturang Pilipino.
Ika ng NCCA deputy director for operations na si Bernan Joseph Corpuz, "Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa ating partners sa Knowledge Channel Foundation at DepEd habang ginugunita natin ang Nobyembre bilang Filipino Values Month. Ipinagmamalaki namin ang 'Heneral Tuna,' isang animated na palabas na tumutulong sa pagtuturo ng mga halagahang Pilipino. Layunin naming magbigay ng inspirasyon at pag-aalaga sa isang henerasyon na may prinsipyo na gagabay sa kanila tungo sa pagiging responsable na miyembro ng lipunan."
Ilan sa dumalo rin sa launch event na ito ang creative communications director ng Heneral Tuna na si Ryanorlie Abeledo; Pedro Guevarra Elementary School principal Noel Gelua; at Public School District supervisor of the Schools Division of Manila na si Ms. Ayla Urrea, na sinabayan din ng malugod na video greeting mula sa KCFI president at executive director na si Rina Lopez.
Maliban din sa pagpapalabas nito sa Knowledge Channel, gagawin din itong picture book series ng local publisher na Aklat Alamid na isasalin din sa wikang Tagalog at Bisaya.
Samahan siya sa kanyang misyon na matutunan ang mahahalagang Filipino values sa "Heneral Tuna" na mapapanood tuwing Martes, Huwebes, at Sabado sa Knowledge Channel, na available sa cable, direct-to-home satellite and DTT, pati online sa iWantTFC.
Mapapanood din ang ilan pang video lessons on-demand sa official Facebook and YouTube pages nito, pati educational clips sa kanilang TikTok account.
Para sa iba pang updates patungkol sa KCFI at sa mga adhikain nito, bisitahin ang official website nitong www.knowledgechannel.org o i-follow ang @knowledgechannel sa Facebook, @kchonline sa X pati @knowledgechannelofficial sa TikTok.