Matapos ang matagumpay na run ng ABS-CBN romantic-comedy series na "2 Good 2 Be True", muling magbabalik ang "King of Hearts" na si Daniel Padilla.
Kahapon, April 27 (Thursday), isang araw matapos ang kanyang 28th birthday celebration ay inanunsyo ng ABS-CBN Film Productions ang tatlong malalaking film projects na gagawin ni Padilla.
Una rito ang dark-thriller film na "The Guest" na idi-direk ni Jerrold Tarog at makakasama ni Padilla ang award-winning actor ang #DirtyLinen star na si John Arcilla.
Nagkasama na sina Tarog at Arcilla sa 2015 historical movie na Heneral Luna na tumabo ng mahigit ₱230 million sa box-office.
Pagmamalaki ni Tarog, kakaiba ang pelikulang ito sa dami daw ng mga twist nito.
“Kind of imagining it na nasa modern-themed war. Marami siyang twists and turns bilang nasa puso ko 'yung kadiliman. Medyo mindf**k na pelikula siya,” saad ni Tarog.
Ikalawa naman ang light-hearted comedy movie na "Nang Mapagod si Kamatayan", na halaw sa librong "Kung Alam Nyo Lang" ng award-winning scriptwriter na si Ricky Lee.
Sa ilalim ng direksyon ng award-winning director na si Dan Villegas, makakasama ni Daniel ang malapit na kaibigan at #DirtyLinen star din na si Zanjoe Marudo.
Pangatlong pelikula naman na gagawin ni Padilla ang pelikulang idi-direk ni Cathy Garcia-Molina kung saan makakasama nya ang kanyang reel-and-real life girlfriend na si Kathryn Bernardo na nakatakda rin gumawa ng mas matured na roles sa ilalim ng ABS-CBN Film Productions.
“Galing kami ng serye pero it’s been a while na makita kami sa box-office ulit. Masyado nang nakaka-miss manood ng pelikula ulit. Hindi kasi natuloy 'yung huli naming gagawin,” ayon kay Padilla.
Dagdag niya, “Pero nag-evolve na siya into this, ito na. May mga rason 'yung mga bagay kaya 'di natutuloy. Alam ko na 'yung storyline. Ito literal na bago talaga 'yung gagawin namin. Medyo matrabaho pero very exciting.”
Inaasahang mapapanood ang mga pelikulang ito sa 2024.
Matatandaang sina Padilla at Bernardo ang may bumida sa isa sa highest-grossing Filipino Films of all-time na "The Hows of Us" ng ABS-CBN Film Productions noong 2018 na kumita ng mahigit ₱800 million sa takilya.