Maaanghang ang mga salitang binitawan ni dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III laban kay Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos, na siyang namumuno ngayon sa Television and Production Exponents, Inc. (TAPE), ang kompanyang humahawak sa longest-running noontime show ng Pilipinas na "Eat Bulaga!".
Matatandaan na nitong Abril, eksklusibong nakapanayam ng veteran TV host na si Boy Abunda si Jalosjos sa programa nitong "Fast Talk" sa GMA Network.
Sa interview, giniit ni Jalosjos na walang problema at di raw totoo ang mga isyung umiikot sa programa, at nanindigan na mananatili daw sa Eat Bulaga! sina Tito, Vic at Joey.
Sa eksklusibong panayam naman ng GMA News reporter na si Nelson Canlas, giniit ni Sotto na "sinungaling" daw si Jalosjos.
Ayon kay Sotto, sapilitan daw pinag-retire ng pamilya Jalosjos si Antonio P. Tuviera na mas kilala bilang si Mr. T, taliwas daw sa sinabi ni Jalosjos na kusang nag-retiro mula sa programa si Tuviera.
May utang din daw ang TAPE, Inc. sa kanilang tatlo nina Vic Sotto at Joey de Leon na aabot sa ₱30 million worth ng talent fees.
Inamin din ni Sotto na nakikipag-usap silang tatlo sa ibang TV station tulad ng TV5 at Net 25 para kargahin ang Eat Bulaga! kung sakaling dalhin nila ito palabas ng TAPE, Inc.
Nang matanong kung anong nararamdaman nya pag sinasabing mare-retain daw sila, sagot ni Sotto:
"Masagwa pakinggan sa amin na mare-retain kami, para bang pwede kaming sipain eh kami nga ang Eat Bulaga eh", ani ng dating Senador.
Mapapanood ang all-out-interview ni Sotto sa "Updated with Nelson Canlas" sa GMA News YouTube channel.