Tila hindi pa tapos sa maaanghang nyang banat si dating Senate President Tito Sotto sa TAPE, Inc., pati ang GMA Network na siyang tahanan ng Eat Bulaga! sa loob ng halos tatlong dekada, hindi nakaligtas.
Kinwestyon ni Sotto ang diumano'y nawawalang ₱400 million na kita ng Eat Bulaga! mula sa mga political ads noong 2022 na umere sa noontime show.
Ito ang banat ni Sotto matapos sabihin ni Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos sa talk show ni Boy Abunda sa GMA Network na nalugi ang Eat Bulaga! noong panahon ng kampanya.
Binanatan din ni Sotto ang TAPE, Inc. kung saan mula daw sa ₱10 million na ginagastos ng programa araw-araw ay nais daw itong ibaba ng mga Jalosjos sa ₱200,000 per day.
Hindi rin nakaligtas ang GMA Network sa mga banat ni Sotto.
Sa post ng dating mambabatas sa kanyang social media account, binanatan ni Sotto ang TV station ng mga Gozon dahil daw sa hindi nito pag-ere ng interview nya sa free-to-air television channel ng Kapuso Network.
“Kapuso network anung nangyari sa pag-ere ng tell-all interview ko sa inyo?
Akala ko ba walang kinikilingan?", banat ni Sotto sa GMA-7.
Ang GMA-7 ang naging tahanan ng Eat Bulaga! simula 1995, matapos nilang lisanin ang ABS-CBN Channel 2 sa kaparehong taon.
Wala pang sagot ang pamunuan ng GMA Network at maski ang bagong pamunuan ng TAPE, Inc. ukol sa mga pinakawalang statement ni Sotto.