Excited na ang internationally acclaimed actress na si Dolly de Leon na makatrabaho ang tinaguriang Asia's Superstar na si Kathryn Bernardo sa bagong proyekto ng Star Cinema na "A Very Good Girl."
Sa panayam ng PUSH sa kasagsagan ng Summer MMFF Gabi ng Parangal, ibinahagi ni Dolly ang kanyang paghanga kay Kathryn, lalo na sa naging pagganap nito sa pelikulang "Hello, Love, Goodbye."
"Siyempre kinikilig ako kasi galing na galing ako kay Kathryn. Kinikilig talaga siyempre kasi napakahusay niya. At saka napakabuting tao. She’s really a very good actress and so, of course I’m so flattered. I’m so flattered and I’m really excited to work with her," saad ng aktres.
Nauna nang nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Kathryn sa pagtanggap ni Dolly sa proyekto sa kabila ng pagiging busy dahil sa mga commitment pa nito sa Hollywood.
“It such an honor because I will be working — she agreed to work with me — with the one and only Ms. Dolly de Leon. For sure marami akong matututunan sa kaniya. I can't wait to meet her again," ani ni Kathryn.
Kabilang si Dolly bilang supporting cast sa paparating na action-comedy film na Grand Death Lotto, kasama ang mga lead star na sina John Cena, Awkwafina, at Simu Liu.
Sa kabila ng pagkakaroon ng mas maraming international projects, at paggawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipino na na-nominado sa Golden Globe Awards at British Academy of Film and Television Arts (BAFTA), tumanggi ang aktres na tawagin siyang isang "Hollywood star."
"Actor po ako. I’m not very comfortable with that term. First of all, I’m not comfortable with the term ‘star.’ I don’t consider myself a star. I’m just a working actor. That’s what I think. I’m an actor who works everywhere. That’s what I would like to think that I do," wika ni Dolly.