Magiging Kapatid at the same time, balik-Kapamilya na nga ba ang mga Dabarkads?
Ito ang tanong ngayon matapos kumpirmahin ni dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III na nakikipag-usap na sila sa kampo ng TV5 at ABS-CBN Corporation para sa noontime show na "Eat... Bulaga!".
Sa panayam ng dating Kapamilya news anchor na si Julius Babao at asawa nitong si Christine Bersola-Babao para sa programa nilang "Julius and Tintin para sa Pamilyang Pilipino" sa One PH, kinumpirma ni Sotto na may posibilidad na dalhin nila ang brand name na "Eat Bulaga!" paalis ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE) at GMA Network upang ilipat sa ibang TV network.
"I have to be very blunt about this ha, ang kausap ko di ko na sasabihin kung sino, ang kausap ko ang nire-represent sa usapan namin, TV5 and ABS (referring to ABS-CBN) as one group", ayon kay Sotto.
Kinumpirma din ni Sotto na may offer ang TV station na Net 25 ng Iglesia ni Cristo para maging bagong tahanan ng Eat Bulaga!.
Pero ayon kay Sotto, mangyayari lang daw yan kung di maaayos ang problema sa pagitan ng pamilya Jalosjos na siyang namumuno ngayon sa TAPE, Inc. at ng trio nila nina Vic Sotto at Joey de Leon.
Giniit din ng dating mambabatas at 2022 vice presidential aspirant na may karapatan silang apat kasama si dating TAPE, Inc. President and APT Entertainment head Antonio P. Tuviera na dalhin ang brand name na "Eat... Bulaga!" dahil nasa kanila daw ang "copyright" ng programa.
Matatandaang naging parte din ng ABS-CBN ang Eat... Bulaga! noong 1989 matapos nitong lisanin ang Radio Philippines Network (RPN-9) na sinequester noon ng administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Umalis sa ABS-CBN Channel 2 ang Eat Bulaga! noong 1995 matapos daw magdesisyon ang Kapamilya Network na wag nang mag-entertain ng blocktimers sa kanilang istasyon.
Mula 1995 hanggang ngayon, GMA Network na ang naging tahanan ng Eat Bulaga!
Samantalang ilang beses na ring gumawa ng programa ang dalawa sa main hosts ng noontime show na sina Vic Sotto at Joey de Leon sa TV5.