Tila di naiwasan ng 8-time Phenomenal Box-office star na si Vice Ganda ang magparinig kanina sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime.
Ito ay matapos mapag-usapan kanina sa segment nilang "Isip Bata" ang usapin tungkol sa "bestfriend" o matalik na kaibigan.
Sa kalagitnaan ng nakakatuwang batuhan ng linya ni Vice at ng co-hosts nito na sina Kim Chiu, Vhong Navarro at Makati City 1st District Councilor Jhong Hilario ay nagbitaw ng tanong si Kim.
"Ikaw, ikaw, sinong bestfriend mo?!", tanong ni Kim na agad sinagot ni Vice na tila may halong parinig.
"Di ko na alam kasi alam ko best friend ko sya pero in-unfollow nya 'ko. Nagtaka ako in-unfollow nya ako", tawang tawa na sinabi ni Vice kanina habang humihiyaw ang audience na tila kuha na agad kung sino ang tinutukoy ni Vice.
Bigla nitong binalik ang tanong sa co-host nitong si Vhong.
"Ikaw rin diba in-unfollow nya?!", tanong ni Vice kay Vhong na agad naman nitong sinagot na "Oo, parehas tayo".
Sinegundahan naman ito ni Jhong na sabing "ay, parang alam ko na kung sino 'to" sabay tawa.
Bagama't walang pangalang binanggit, tila ang dating Kapamilya star at ngayo'y host ng talk show na "Toni" sa ALLTV na si Toni Gonzaga-Soriano ang tinutukoy nila Vice kanina.
Di naman din kasi lihim na magkaibigan noon sina Vice at Toni, samantalang ilang beses ding naging leading lady ni Vhong sa mga pelikula nito sa Star Cinema si Toni at nakasama pa sa "Wazzup Wazzup" na isang comedy gag show ng ABS-CBN na umere noon sa Studio 23.
Matatandaang nitong Halalan 2022, vocal na sinuportahan ni Gonzaga ang kandidatura ni dating Senador at ngayo'y Pangulong Bongbong Marcos, samantalang bukal sa loob naming sinuportahan ni Vice Ganda si dating Vice President at Atty. Leni Robredo sa pagka-Presidente.
Matapos ang eleksyon, usap-usapan ang pag-unfollow ni Toni sa ilang mga kaibigan nito sa Instagram, matapos ang eleksyon.