Sa isang pambihirang pagkakataon, mismong ang komedyante na na si Bayani Agbayani ang nag-kumpirma sa pagtatapos sa ere ng programang "Tropang LOL".
Unang nagsimulang mapanood ang Tropang LOL bilang "Lunch Out Loud", ang noontime show ng Brightlight Productions na umere sa TV5 noong October 19, 2020 hanggang July 15, 2022.
Noong July 16, 2022, ni-reformat ang programa at ginawang "Tropang LOL", isang pre-noontime program na umeere mula Lunes hanggang Sabado, 11AM sa TV5, A2Z, Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live bago mag-It's Showtime.
Sa isang eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong March 25, bagama't sinabi nito na pinagsabihan sila na bawal magsalita nang kung ano-ano, ay nanghihinayang daw sa Bayani sa naka-ambang pamamaalam sa ere ng programa, na aniya ay maayos naman daw ang TV ratings at commercial loads.
Base sa huling ratings ng AGB Nielsen, na-stuck na sa below 2.0% ratings ang programa.
Nagpasalamat pa din si Bayani sa TV5 na siyang naging tahanan ng programa sa halos tatlong taon, gayundin ang ABS-CBN at mga platforms nito na pinatuloy ang programa sa loob ng 9 na buwan.
“Sorry sa late reply. Di ko pa kasi alam kung allowed na kaming mag-comment, e. But since all over the news na naman, magsasalita na ako.
“Para sa akin, nakakahinayang dahil sa maiksing panahon ng Tropang LOL, maayos naman ang rating namin.
“Pero siyempre, dapat din nating igalang ang desisyon ng network, dahil bilang employee, ang employer talaga ang may say sa desisyon ng kanyang negosyo.
“Nagpapasalamat pa din po ako sa TV5, sa opportunity na maging host muli ng isang noontime show. Thank You Lord (3 heart emojis and 3 praying emojis).”, bahagi ng mensahe ni Bayani na ipinarating sa PEP Troika.
Samantala, maliban sa I Can See Your Voice na umeere tuwing weekends sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z at TV5, kinumpirma din ni Bayani na may 2 pang offers ang ABS-CBN Entertainment para sa kanya.
Ang isa daw dito ay ang Kapamilya upcoming teleserye na may working title na "Can't Buy Me Love" mula sa Star Creatives, na pagbibidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano (DonBelle), bagama't nilinaw ni Bayani na di pa magsisimula agad ang shooting ng teleserye.
May offer din daw mula sa PIE Channel, ang interactive entertainment channel ng ABS-CBN, Kroma Entertainment at Broadcast Enterprises and Affiliated Media (BEAM), ngunit pansamantala daw nya muna itong tinanggihan.