📷: Inquirer Entertainment
"We are now a content creator".
Yan ang binigyang linaw sa publiko ng film and TV director na si Laurenti Dyogi tungkol sa kasalukuyang estado ng ABS-CBN Corporation.
Si Dyogi ang tumatayo bilang Head ng ABS-CBN Star Magic at ABS-CBN TV Production.
Ani ni Dyogi, isa nang "content creator" ang ABS-CBN Corporation, tatlong taon matapos mawalan ng prangkisa ang Kapamilya Network.
Dagdag ni Dyogi, kinikilala daw nila ngayon sa ABS-CBN na ang dati nitong pinaka-mahigpit na karibal, ang GMA Network ang nangungunang TV station ngayon sa Pilipinas.
"For now, you need to understand that we're not a network anymore. We don't have a franchise. We're a media company. We're a content creator now. So wherever we can bring our content with the biggest reach, and we have to recognize that GMA has the biggest reach right now, and they're the no. 1 station," saad ni Dyogi sa isang ambush interview.
Malaki naman ang pasasalamat ni Dyogi sa GMA Network, ZOE Broadcasting Network (A2Z), TV5 Network, Inc. at iba pang OTT platforms sa pagtulong nila sa ABS-CBN upang makapag-patuloy ito sa pag-ooperate.
Ayon kay Dyogi, hindi daw kakayanin ng ABS-CBN na tumagal ng ganito kung hindi binuksan ng iba't ibang platforms ang kanilang pintuan para sa Kapamilya contents.
"We've been struggling for the past three years, but, awa ng Diyos, nandito pa rin po kami. Our mindset right now is really collaboration because we will be honest, we cannot do it on our own. It's very difficult to do it on our own.", ani ni Dyogi.
Kinumpirma din ni Dyogi na nagkaroon ng munting salo-salo ang ABS-CBN at GMA-7 executives, matapos itong i-share ni GMA-7 executive Annette Gozon-Valdes sa kanyang Instagram account.
Ani ni Dyogi, nagkaroon lang ng munting pag-uusap ukol sa posibilidad ng pagkakaroon ng panibagong partnership sa pagitan ng Kapamilya at Kapuso networks.
Matatandaang nauna nang nagkaroon ng partnership ang GMA Network, ABS-CBN Entertainment, Dreamscape Entertainment at VIU Philippines para sa Kapamilya/Kapuso teleserye na "Unbreak My Heart" na pagbibidahan ng Kapamilya at Kapuso talents na sina Richard Yap, Jodi Sta. Maria, Joshua Garcia at Gabbi Garcia.
Inaasahang eere ito ngayong 2023 sa GMA Network (free TV) at VIU Philippines (streaming platform).
Samantala, mapapanood naman ang ibang fresh contents ng ABS-CBN Corporation sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z at TV5.
Napapanood naman ang ilan sa mga pumatok na pelikula ng ABS-CBN Film Productions sa platforms ng GMA Network, TV5, A2Z, CineMo at Cinema One.
Samantalang may kasunduan din ang ABS-CBN Corporation sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni dating Senador Manny Villar para sa ilang facilities ng Kapamilya Network sa Mother Ignacia, Quezon City, gayundin ang pag-ere ng mga dating teleserye ng ABS-CBN Entertainment sa ALLTV.