📷: Star Cinema/ABS-CBN Films
Matapos ang halos apat (4) na taon, muling magbabalik sa big screen ang "Box-office Queen of this generation" na si Kathryn Bernardo.
Ngayong araw, March 27 o isang araw matapos ang 27th birthday celebration ng aktres, in-anunsyo ng ABS-CBN Film Productions ang tatlo (3) sa naka-line up na film projects ng Kapamilya actress.
Parte ito ng magiging 30th anniversary presentation ng ABS-CBN Film Productions, na unang itinatag noong 1993.
Una sa naka-line up ang dark comedy movie na "A Very Good Girl", kung saan makakasama ni Bernardo ang international actress na si Dolly de Leon na ilan beses na ring napapanood sa ilang programa ng ABS-CBN, kabilang dito ang critically-acclaimed teleserye na "Dirty Linen".
Ngayong 2023 inaasahang ipapalabas sa mga sinehan ang pelikula na idi-direk ni Petersen Vargas, na siyang direktor ng critically-acclaimed movie na "2Cool 2Be 4Gotten" at ang highest-grossing romantic comedy movie ng 2022 na An Inconvenient Love nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Ngayong 2023 din inaasahang mapapanood ang pelikula nya kasama ang reel-and-real life partner nito na si Daniel Padilla, na idi-direk ni Cathy Garcia-Molina.
Ani ni Direk Cathy sa isang interview noon, ibang KathNiel daw ang mapapanood ng publiko sa bago nilang pelikula.
Sa unang pagkakataon, gagawa si Kathryn ng isang pelikula sa ilalim ng Black Sheep Productions, ang sister company ng Star Cinema.
Ito ang period movie na "Elena 1944", na tungkol sa kwento ng isang comfort woman sa panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas noong 1940s.
Ito ay idi-direk ng critically-acclaimed director na si "Inang" Olivia Lamasan, na naging direktor na ni Bernardo sa 2016 blockbuster romantic drama movie na "Barcelona: A Love Untold".
Matatandaang si Bernardo ang bida sa dalawa (2) sa highest-grossing Filipino films of all time, ang Hello Love Goodbye (2019) at The Hows of Us (2018) na pawang kumita pareho ng lagpas sa ₱900 million sa box-office.