"On the road to recovery" na ang ABS-CBN Corporation, matapos ang malaki-laking lugi nito sa nakalipas na dalawang (2) taon.
Base sa financial statements ng ABS-CBN Corporation na isinumite nito sa Philippine Stock Exchange (PSE), umabot sa ₱2.6 billion ang naitalang net loss o lugi ng Kapamilya Network nitong 2022, mas mababa ng 54.0% kumpara sa ₱5.67 billion na luging naitala nito noong 2021.
Sumampa naman sa ₱19.19 billion ang consolidation revenues ng Lopez-led content provider nitong 2022, mas mataas ng 8.0% sa ₱17.82 billion na consolidated revenues na naitala nito noong 2021.
Ayon sa breakdown ng ABS-CBN Corporation, ₱6.39 billion dito ay galing sa advertising revenues mula sa A2Z, Kapamilya Channel, Jeepney TV, CineMo at iba pang cable channels ng Kapamilya Network; samantalang ₱12.8 billion naman mula sa consumer sales tulad ng content licensing agreement nito sa TV5 Network, Inc., acquisition deals ng ABS-CBN sa Advanced Media Broadcasting System (ALLTV) para sa ilang facilities ng Kapamilya Network, licensing agreement ng ABS-CBN sa GMA Network para sa ilang pelikula ng ABS-CBN Film Productions, kita mula sa Sky Cable Corporation at iba pa.
Lumaki din ang nilabas na gastusin ng ABS-CBN Corporation sa ₱23.45 billion, 4.0% na mas mataas sa ₱22.53 billion na gastos na nilabas nila noong 2021.
Sa kasalukuyan, nagfo-focus ang ABS-CBN Corporation sa content creation dahil sa agreements nito sa ZOE Broadcasting Network (A2Z) at TV5 Network, Inc., partnership nito sa GMA Network, Inc. at acquisition deals nito sa ALLTV para sa ilang facilities ng Kapamilya Network.