Ang "YorMeme" ng Madlang Pipol, mananatiling Kapamilya.
Kahapon, February 15 ay muling pumirma ng kontrata sa ABS-CBN Corporation ang 8-time Phenomenal Box-office Superstar na si Vice Ganda.
Present sa contract signing ni Vice Ganda o Jose Marie Viceral sa tunay na buhay sina ABS-CBN Chairman Mark Lopez, ABS-CBN Chief Operating Officer (COO) for Broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN Head of TV Production and Star Magic Head Laurenti Dyogi at iba pang executives ng ABS-CBN Corporation.
“The journey has been quite long na rin. There were difficult times, but there were a lot of fun times. It was colorful pero kung susumahin mo, it’s a winning journey,” isang madamdaming mga salita na binitawan ni Vice kahapon.
Dagdag ni Vice, wala na itong planong umalis pa sa ABS-CBN lalo't ito daw ang pinaka-ligtas na tahanan para sa kanya.
“Nakapirma na talaga yung puso ko rito. ‘Yung paa ko nakabaon na dito sa bahay na ‘to. Ayoko na lumabas… I’d rather be here inside my home. This is the safest place for me,” ayon kay Vice.
Ilang Kapamilya stars, at malalapit na tao sa buhay ni Vice ang nagbigay ng mensahe para sa 46-year old comedian, kabilang ang mga stand-up comedians na sina MC Muah at Lassy Marquez, Enchong Dee, Robi Domingo, Orli Domingo at ang ina nitong si Rosario Viceral.
Si Vice ang isa sa mga artistang nanindigan at nanatili sa Kapamilya Network, sa kabila ng pagkawala ng prangkisa ng Lopez-led TV network noong July 2020.
Kasabay naman ng contract signing ni Vice ang "thanksgiving party" para sa kanyang MMFF 2022 entry na Partners in Crime, na humamig ng halos ₱200 million sa takilya.
Sa kasalukuyan, napapanood pa din si Vice sa #ItsShowtime mula Lunes hanggang Sabado, 12:45PM at sa weekend singing comedy game show na #EverybodySing.