- Aminado ang social media influencer na si Zeinab Harake na naging mayabang siya nang sumikat siya online
- Alam naman daw nito ang mga mali niyang nagawa kaya naman simula noong mag-viral sila ni Wilbert Tolentino ay tila nahirapan siyang patawarin ang sarili
- Sinabi rin niyang nami-misunderstood ng iba ang 'bunganga' niya dahil sa pagka-'taklesa' nito
Aminado ang vlogger at controversial online personality na si Zeinab Harake na naging mayabang siya simula nang sumikat na siya sa bansa.
Ito ang isa sa naging paksa sa interview niya kay Boy Abunda matapos ang naging viral na issue niya sa pagitan nila ng showbiz manager na si Wilbert Tolentino.
Diretsahan nang tinanong ni Boy Abunda si Zeinab kung totoo ngang lumaki ang kanyang ulo lalo na't isa siya ngayon sa may pinakamaraming fans online.
“You’re one of the most-loved social media stars. Sumikat ka nang husto. May mga pagkakataon ba na yumabang ka?” tanong nito.
Sagot ni Zeinab, “Opo, meron. Hindi tayo magpapaka-plastic. Like, meron po talaga na hindi mo makokontrol.
“Pero hindi ko naman po siya para makasakit ng iba. Hindi ganoon. Nami-misunderstood lang kasi yung bunganga ko minsan talaga, taklesa ako, e. Natural lang iyon sa bunganga ko,” pahayag naman ng social media influencer.
Bukod pa rito, alam niya raw ang kanyang mga pagkakamali sa mga napagsalitaan niya ng hindi maganda at humingi ng patawad sa mga ito.
“Madami po, like, masama na yung binibitawan kong salita. Pagkakita ko [ng video], ‘Oh, my God!’ napaganun na lang ako. ‘Bakit ko iyan sinasabi sa iba?’ Mga ganoon na hindi ko talaga alam din.”
Dagdag pa niya, “Hindi ko ide-deny kasi ako yun, e. Hindi ko naman tinanggi. Inako ko kaagad, tapos nag-sorry ako agad, kasi pagkakita ko pa lang, alam kong mali. Alam kong makakasakit ako.”
Nahirapan din siyang patawarin ang kanyang sarili dahil sa takbo ng nangyari nang mag-viral siya at na-bash nang sobra-sobra matapos ang naging 'rebelasyon' ni Wilbert kamakailan.
“Ako din napi-feel sorry ako sa sarili ko kasi, ‘Ano bang pinaggagagawa mo? Anong tingin mo sa sarili mo?’ parang may mga ganoon ako.
“Tapos ang unfair kasi sa part ko yung sarili ko di ko magawang hingan ng tawad o patawarin kasi totoo naman, e. Masyado na akong nilalamon ng kung anu-ano and sa sobrang daming [pinagdaanan] nawawala ako.”
“Nawawala talaga ako. Di ko pa din alam kung saan ako dadalhin, kung saan ako ngayon,” dagdag pa ni Zeinab.