Tinanggihan ng Taguig RTC ang mosyon ng TV host/actor na si Vhong Navarro na manatili sa NBI detention center kaugnay ng non-bailable case of rape na inihain ng dating modelong si Deniece Cornejo.
Sa isang pahayag, sinabi ng NBI Security Management Section na natanggap nila ang Order mula sa Regional Trial Court Branch 69, na nag-uutos sa paglipat kay Vhong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Taguig City Jail – Male Dormitory, Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Kailangan din na sumailalim si Vhong sa mandatory Medical Examination, kabilang ang RT-PCR test, bilang pagsunod sa mga health protocol bago siya lumipat sa BJMP, Taguig City.
Hulyo ngayong taon nang binawi ng Court of Appeals ang mga resolusyon ng Department of Justice at Taguig prosecutors na dati nang binasura ang mga alegasyon ng panggagahasa ni Cornejo dahil sa mga hindi pagkakatugma sa mga testimonya nito.
Nitong Oktubre ay tinanggihan naman ng Court of Appeals ang apela ng negosyanteng si Cedric Lee na ibasura ang kasong serious illegal detention for ransom na isinampa laban sa kanya at anim na iba pa ni Vhong Navarro.
Kabilang si Denice sa grupo ni Cedric na nakasuhan ng serious illegal detention.Ayon sa naging salaysay ng aktor, binugbog at nagbanta na papatayin siya ng grupo at humingi ng pera kapalit ng kanyang paglaya.
Nauna nang iginiit ni Vhong sa kanyang pahayag sa ABS-CBN NEWS na inosente siya, "ang pagkakasala ko, ang kasalanan ko rito ay 'yung niloko ko 'yung girlfriend ko noon at ito na 'yung wife ko ngayon.”