Naglabas ng saloobin ang actress/filmmaker na si Bella Padilla sa Twitter tungkol sa isyu ng pagba-ban sa Korean drama dito sa Pilipinas.
Ani ni Bella na kasalukuyang nasa bansang South Korea para sa kanyang ginagawang pelikula, nakakainspire umano ang kultura at pagpapahalaga sa larangan ng paggawa ng pelikula at serye sa nasabing bansa.
Ikinalungkot din ng aktres na hindi umano nakakakuha ng parehong suporta, pondo o tulong mula sa gobyerno ang mga nasa kaparehong industriya dito sa Pilipinas.
"I agree that if we level the playing field and if filmmakers in the Philippines are given the same respect and support, we definitely could create world class content too. Sadly that isn’t the case. But to ban certain programs because their doing better than us is such a petty move."
Dagdag pa ni Bella, sana ay maging masaya para sa iba at matuto mula sa kanilang tagumpay.
"Kaya siguro tayo hindi masyadong umaasenso, pinupuna kasi natin ang mga taong masaya. Nakakahiya," ani ng aktres.
Nitong Huwebes ay nilinaw ni Senador Jinggoy Estrada ang kanyang naunang pahayag tungkol sa nais niyang ipanukalang i-ban ang Korean drama matapos itong umani ng patung-patong na kritisismo.
Nais lamang umano ng Senador na suportahan ng mga Pilipino ang mga lokal na pelikula na may kasigasigan tulad ng ginagawa nila para sa mga K-drama.