Naging tapat ang Kapamilya actress na si Angelica Panganiban tungkol sa mga aral na natutunan niya sa kanyang mga nakaraang relasyon.
Sa pakikipag-usap sa kanyang matalik na kaibigan na si Camille Prats, sinabi ni Angelica na siya ang uri ng tao na gustong maranasan ang lahat nang una at sa huli ay matuto mula rito.
“Feeling ko kasi sa buhay natin, may mga taong likhang matigas 'yung ulo na parang gusto nilang ma-experience first-hand bago sila mapaso,” wika ng aktres.
“Kapag sinabi sa 'yo na ‘Mainit iyan, huwag mo hawakan,’ siguro may mga taong katulad ko na kahit sabihin sa akin 'yun, ‘Talaga ba?’ Tapos hahawakan ko siya. ‘Aray, ang sakit.’ Gaganun na lang ako eventually tapos hindi ko na uulitin,” dagdag pa niya.
Para kay Angelica, ang mahihirap na sitwasyong ito ang nagpalakas sa kanya.
“Parang feeling ko kailangan kong matutunan, gusto ko itong pagdaanan. Tapos no regrets kapag nangyari siya. Wala akong issue sa ganun, na parang kapag nagmahal ka, go. Hindi ako naniniwalang mapapagod ka. Oo mapapagod ka, magpahinga ka pero laban. Babalik iyan sa 'yo, maniwala ka. Huwag kang mawawalan ng pag-asa sa sarili mo.”
Ibinahagi rin ni Angelica kung paano nagbago ang kanyang buhay simula nang makilala niya ang kanyang nobyo na si Gregg Homan.
“Tumahimik 'yung buhay ko. Nagkaroon ng peace. Nagkaroon ako ng sense of security finally. Hindi ko alam kung bakit sa taong ito, sure hindi ako masasaktan. Alam ko naman in the beginning na sakit ng ulo ito pero nilalaban ko,” aniya.
Sa katunayan, inamin rin ni Angelica na ikinabahala niya ang tila pagiging “complete package” ng kanyang nobyo.
“Bakit ang kalma? Bakit gusto ko lahat? Bakit nakaayon lahat sa gusto ko or sa mga pinagdasal ko or mga hinihingi ko noon pa man? Bakit binigay sa isang package lang? Parang inaayawan ko pa noong una kasi parang hindi ito totoo,” saad ng aktres.
Kasalukuyang nagdadalantao ngayon ang aktres at nagpapahinga sa buhay showbiz.
Mahigit dalawang taon nang magkarelasyon si Angelica at Gregg, na minarkahan ang kanilang ikalawang anibersaryo noong Hulyo.