- Isa sa gustong isulong ni Richard Gomez sa kongreso ay ang film archiving dahil marami umano tayong pelikula na hindi nai-store nang mabuti
- Ang naging inspirasyon niya aniya ay ang ABS-CBN Sagip-Pelikula dahil sa pag-restore nito at sa digitalization process nila sa mga lumang pelikula
- Gusto rin daw niyang makita muli ang mga pelikula nila ni Siguion Reyna dahil karamihan ng pelikula niya ay na-digitize ng ABS-CBN
"Alam mo ang dami nating pelikula na hindi nai-store ng mabuti at nabubulok lang at inaamag,” ang tugon ni Richard Gomez sa entertainment press sa naganap na PiƱa Festival 2022 sa Ormoc City, Leyte.
Isa si Richard Gomez sa nagwagi ng posisyon sa gobyerno pagkatapos manalo bilang newly-elected congressman ng fourth district ng Leyte noong 2022 national elections.
At dahil nga bago sumabak sa politika si Richard ay naging bahagi muna ito ng mundo ng showbiz at entertainment industry, mayroon itong gustong isulong sa kongreso na makabubuti sa pelikula.
“Alam mo ang dami nating pelikula na hindi nai-store ng mabuti at nabubulok lang at inaamag,” tugon ng actor-turned-politican sa plano niyang magkaroon ng film archiving.
“It is very important through the funds coming from the national government na gumawa tayo ng isang film archive nang sa gayun, ma-restore natin ang mga film stuff kasi kung titignan mo example na lang ang mga pelikula ko, nasa Quiapo na lang ginagawang torotot e, so ‘yun talaga ang gusto ko palakasin,” ani pa ni Richard.
Naibahagi rin nitong ang ABS-CBN Sagip-Pelikula din ang inspirasyon niya dahil sa pag-restore at sa digitalization process nito sa mga lumang pelikula dahilan upang mapanood niya ang mga dati niyang ginanapan.
"Ang dami rin kasi karamihan na digitize na ng ABS-CBN e nare-remaster na ng ABS-CBN pero kung tatanugin siguro ‘yung mga pelikula namin ni Armida (Siguion Reyna) gusto ko rin sana makita ulit," saad ng kongresista.
Napa-throwback din siya sa mga kasamahan niya sa industriya na ngayo'y malayo na rin ang narating tulad ng pagiging National Artist ng mga ito.
“I would say na isa ako sa masusuwerteng mga artista na nakagawa ng pelikula, kasama ang mahuhusay na mga direktor at mga naging national artist sina Ricky Lee, sina Tony Mabesa, ilang beses ko nakasama ‘yan, si Marilou Abaya.” pagbabalik-tanaw nito.
Samantala, sinabi noon ni Richard Gomez na may malaki siyang utang na loob sa ABS-CBN dahil sa halos dalawang dekada niyang pagkakaroon ng proyekto sa network.
“I am not Richard Gomez now without ABS-CBN,” saad niya sa ABS-CBN journalist na si Kat Domingo.
“I was a long-time employee of ABS-CBN. I worked in ABS for 18 years,” dagdag pa nito bilang isang Kapamilya.