Iza Calzado draws positive remark as first 'Darna' after full trailer released
Iza Calzado draws positive remark as first 'Darna' after full trailer released
Umani ng papuri si Iza Calzado sa kanyang pagganap bilang unang 'Darna' at ina ni Jane de Leon sa Darna: TV Series matapos na opisyal nang ipakita ang trailer nito kagabi.

Sa trailer, makikitang ipapasa ni Iza ang mahiwagang bato sa kanyang anak na si Narda (Jane de Leon), na kinalaunan ay naging superhero na si Darna.

Noong nasa kabilang istasyon pa ang aktres, naikonsidera siyang gumanap bilang 'Darna' ngunit hindi ito natuloy at napunta kay Angel Locsin ang papel.

Sa lumang panayam ni Boy Abunda sa aktres, ibinunyag nitong dahil sa kanyang pangangatawan noon kaya hindi natuloy ang kanyang pagganap bilang 'Darna.'

Ayon sa ABS-CBN, matagal nang naghintay si Iza na maging bahagi ng kasaysayan ng sikat na Pinoy superhero.

“I almost had the chance in the past, but God had other plans. I was not meant to be that Darna but he surely prepared me to play this Darna. Everything always happens in His perfect time,” wika ni Iza.

“There have been changes in the cast and directors and as Direk Lauren (Dyogi) said, I am the constant,” dagdag pa ni Iza.

Pinuri naman ng TV host na si Bianca Gonzalez ang aktres sa isang tweet nito matapos ang pagpapalabas ng trailer. "Tama ka, you really were meant to be *this* Darna, Miss Iza Calzado. I am so, so, so proud of you."

Ang Filipino comic book adaptation ng 'Darna' ay plano sanang gawing pelikula, ngunit ipinagpaliban ito noong Agosto 2020 dahil sa pandemya ng COVID-19.

Inanunsyo si Jane bilang bagong Darna noong 2019, matapos mag-backout ang aktres na si Liza Soberano dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan. Si Liza naman ang napiling pumalit sana kay Angel Locsin, na hindi rin natuloy sa role dahil din sa isyung may kinalaman sa kanyang kalusugan.

Si Jerrold Tarog ang nakatakdang magdirek ng Darna movie matapos magbitiw sa proyekto si Erik Matti.

Inihayag ng ABS-CBN noong Disyembre 2020 na ang proyekto ay itutuloy bilang isang serye sa TV. Kinumpirma naman ni Jerrold Tarog noong Enero 2021 na hindi na siya magiging bahagi ng serye dahil sa scheduling conflicts.

Oktubre naman noong nakaraang taon nang inanunsyo ng ABS-CBN na ang batikang direktor na si Chito S. Roño na ang magdidirihe ng nasabing proyekto.