- Humarap ang tambalang Loisa-Ronnie sa mga interviewer para sa kanilang bagong proyekto sa ABS-CBN, ang 'Love In 40 Days'
- Tila may hugot pa nga si Loisa sa relasyon nila ni Ronnie dahil hindi umano sila tulad ng ibang magkarelasyon na hindi agad pinag-uusapan ang problema
- Kinumpara naman niya ang relasyong ito bilang mag-tropa at parang mag-bestfriend sa isa't-isa
Ready na ang mga bida ng highly anticipated series ng Kapamilya Network na 'Love In 40 Days' na itinuturing din bilang comeback series nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte na nakatakda nang umere ngayong Mayo 30.
Nakipag-chikahan ang LoiNie sa harap ng mga interviewee para pag-usapan ang mala-Koreanovelang teleserye nilang Love in 40 Days pati na rin ang solid na solid na relasyon nila na mag-aanim na taon na ngayong Nobyembre.
Huling napanood ang dalawa sa iWantTFC original series na 'Unloving U' noong nakaraang taon bilang Fiona at Alfie at ngayo'y magbabalik bilang sina Jane at Edward.
Nasagot naman ng aktres ang tanong sa presscon kung anong sikreto nila sa mas tumatatag na relasyon nila ni Ronnie Alonte.
Tugon niya, “Siguro ang relasyon namin ni Ronnie, parang kaming magtropa, mag-best friend. Hindi kami gaya ng iba na kapag may problema kami, dinidibdib talaga namin, pinag-aawayan namin.
“Kasi talagang kapag may problema kami, pinag-uusapan namin agad and tingin ko ‘yun ang kinatagal ng relationship namin. Communication and trust,” pahayag ni Loisa.
Para naman kay Ronnie, “Sa ngayon kasi, nandoon na kami sa punto ng wala na kaming pakialam sa mga sinasabi ng ibang tao sa amin.
“Ginagawa lang talaga namin kung ano ba talaga ang gusto namin off cam and sa mga pino-post namin sa Instagram na pino-post namin, nagpapaka-totoo lang kami.
“Hindi namin sino-showbiz lahat, may masabi sila sa amin wala kaming paki. Basta masaya kaming dalawa,” sagot naman ng aktor.
Kinuwento naman ni Loisa ang sagot niya sa isyung sa iisang bubong nalang sila nakatira ng boyfriend. Aniya, “Actually, may isyung ganu’n. Kasi magkalapit ang bahay namin, 15 minutes away lang Cavite siya, Laguna lang ako.
“So, parang, ‘Beh, kailangan ko kausap, usap tayo’ so ang dali lang magpunta. So kami, tara picture kami, picture tayo, pero hindi ko alam na ang issue pala is live in na. Pero ako naman, as long as na alam ko naman na hindi, okay naman kami, hindi ko naman na pinapatulan,” saad pa nito.
May katwiran naman ito sa usapin kung 'okay' sa mag-live in. “Pwede naman. Pero kasi depende, e. Depende sa family mo kung paano ka pagkakatiwalaan and siyempre dapat alam mo rin ang priority mo na hindi mo pababayaan ang family mo.
“I think wala namang masama doon kasi ang dami rin namang mga magka-live in ngayon na nagtutulungan sila para mag-grow,” dagdag pa ni Loisa.