- Nagreklamo ang kaibigan umano ni Cristy Fermin patungkol sa staff ni Kathryn Bernardo sa nail spa nito
- Ibinahagi ni Cristy na hindi lang isang beses nangyari ito at nakiusap na sana'y may nagbabantay sa bawat sangay ng nail spa ni Kathryn
- Nilinaw naman ni Cristy na ang branch ni Kathryn sa SM Mall Las Piñas nangyari ang mga insidente
Matatandaang sinabi ng Kapamilya star na si Kathryn Bernardo na pangarap niya ang makapagpagawa ng sariling business. Kaya naman nagtayo ito ng kanyang sariling one-stop nail salon at spa.
Kasama sa “Kathnails”, ang pangalan ng shop ni Kathryn, ay ang mga full spa services pati narin ang mga “luxurious facilities” para sa mga abot kayang halaga.
Napag-usapan naman nina Cristy Fermin at ng kanyang co-host ang nail spa ni Kathryn sa kanyang online show na “Cristy Ferminute”.
Sinabi nitong nagrereklamo ang kaibigan niya dahil sa laging nakasimangot ang staff at parati itong nagmamadali. Dagdag pa niya, tamad daw umano ang mga staff kaya naman inireklamo na niya ang mga ito.
“Ang susunod po naming paksa ay tungkol sa nail spa ni Kathryn Bernardo pero hindi po ‘yung mismong salon ni Kathryn ang inireklamo ng kaibigan namin.
“Ito po ‘yung branch sa SM Mall Las Piñas. At saka ‘yung kanya (kaibigan ni nanay) nagtitiwala at nagmamalasakit sa pamilya ni Kathryn na kung maaari raw po ay mayroon sanang nagbabantay sa bawa’t sangay n’yo.
“Kasi ‘yung staff n’yo raw po dito sa Las Piñas, ano po, bukod sa nakabusangot (ang mga staff) na, nagmamadali pa. May mga nag-i-inquire raw po na nagpapagawa ng acrylic nail, sasabihin magsasarado na sila (closing time) katulad nitong kaibigan namin. Twice na po siyang nagpupunta roon sa branch na ‘yun,” panimulang kwento ni Cristy.
“Nu’ng una pinalampas niya, nu’ng pangalawa hindi na niya kayang palampasin kasi ‘yung acrylic nails na ginawa roon kailangan sila rin ang mag-alis. Putol na, sumagad pa, so, masakit na masakit parang ayaw siyang gawin dahil mayroon daw nagpa-schedule na tatlo kaya hindi na sila makatatanggap ng client.”
“Hindi pumayag ‘yung kaibigan natin, pumasok siya, naupo siya kasi wala pa naman doon ‘yung tatlo (na nagpa-schedule). Inabot po siya roon ng tatlong oras. Wala pong dumating na nagpa-schedule, so, katwiran ng katamaran lang ‘yun,” kwento ni Cristy.
Nabanggit rin nila si Mommy Mhin Bernardo, bilang pagsusumbong na rin sa nangyari.
“Mommy Mhin, (si) Kathryn hindi na tumatanggap ng 7 o’clock (kahit na) 10 o’clock pa ang sarado n’yo.”
“Sana raw magpadala kayo ng mga ramdom clients na kunwari kliyente para alam ninyo kung ano ang nangyayari diyan sa inyong mga branches tama ‘yun, di ba Romel?”
“Tama po, ikagaganda pa po ng serbisyo ng inyong salon.” sagot ng co-host ni Cristy Fermin.
Dagdag pa nila na: “Naku, tutukan n’yo po ito tita Mhin. Nakakaawa naman po kayo kung labas kayo nang labas ng pera tapos hindi naman kayo pinagmamalasakitan ng mga tauhan n’yo.
“Ngayon pa namang pandemya, buti nga may trabaho pa sila dahil pinayagan na. Dapat kliyente ang bibigyan n’yo ng pagpapahalaga, hindi puwede ‘yung magtatamad-tamaran, di ba?”