- Viral ang pagtakbo ng dating PBA player na si Marc Pingris sa kanilang village nang naka-bra lang.
- Ito ay bilang pagtupad sa kanyang pangako na tatakbo s'ya na naka-bra kapag nag-champion ang isang koponan ng Pilipinas sa isang "Mobile Legends" tournament, ang Blacklist International.
- Ito ang pangalawang pagkakataon na nagkampeon ang Pilipinas sa isang Mobile Legends World Championships matapos itong gawin ng Bren E-Sports noong 2020.
Viral ang isang video kung saan tumakbo sa kanilang village ang dating PBA player na si Marc Pingris na nakasuot lang ng bra at shorts. Sari-sari ang naging reaksyon ng netizens sa ginawang hakbang na ito ng tinaguriang "Pinoy Sakuragi".
Ngunit paliwanag ni "Ping", ito ay bilang pagtupad sa kanyang pangako na tatakbo s'ya na naka-bra kapag nagkampeon ang koponan ng Pilipinas sa Mobile Legends Bang Bang World Championships sa Singapore.
Nitong Linggo, Disyembre 19, nagkampeon ang Blacklist International sa naturang E-Sports event laban sa kapwa-Pinoy team na Onic PH.
Kaya naman nitong Martes, Disyembre 21, tinupad ni Ping, na isa ring ML gamer, ang kanyang binitiwang pangako at tumakbo nga ito na suot ang itim na bra at shorts habang iniikot nito ang kanilang village.
"At ito na nga, dahil nanalo kayo (Blacklist), at nag-promise ako, ito na, tinupad ko na. Tumakbo ako sa village namin kanina na kakaoba ang suot. Katuwaan lang ito, guys. Proud lang tayo sa naabot ng team nila," ayon kay Ping sa kanyang video.
Biro pa ng dating Gilas Pilipinas stalwart, bagong bra ang kanyang suot dahil ayaw daw syang pahiramin ng kanyang asawang si Danica Sotto.
"Blacklist International, congrats sa inyo. Tulad ng promise ko, tatakbo akong naka-bra sa village namin kahit nakakahiya," ayon kay Pingris habang tumatakbo.
Binati rin n'ya ang Onic PH na nag-runner up sa naturang event.
"Sa Onic din, congrats din sa inyo. Kahit 'di kayo nanalo, para sa amin, champion din kayo," pahabol ni Ping habang hinihingal sa video.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nag-champion ang Pilipinas sa Mobile Legends World Championships matapos magkampeon ang Pinoy team na Bren E-Sports noong 2020.
Nakatakda naman i-retiro ni Pingris ang kanyang #15 jersey sa Disyembre 25 sa halftime ng "Manila Clasico" game sa pagitan ng kanyang naging longtime team na Magnolia Hotshots kontra sa Barangay Ginebra, kasama ang kanyang kakamping si Peter June Simon na ireretiro na rin ang kanyang #8 jersey. Naging parte ng Purefoods franchise si Pingris noong 2005 (nang itinrade s'ya mula sa FedEx Express) hanggang 2008, at bumalik noong 2009 (mula sa San Miguel Beermen) hanggang 2019 sa naturang team, kung saan 8 championships ang ibinigay nya sa koponan kabilang ang isang "grandslam" noong 2013-2014 season sa ilalim ng pangalang "San Mig Coffee".