- Noong huling bahagi ng Oktubre 2021, naglabas si Maymay Entrata ng kanyang latest single tungkol sa "self-empowerment, ang "Amakabogera".
- Dahil sa matapang na mensahe ng awitin lalo sa mga kababaihan, nagtrending ang music video at performance nito sa isang radio station.
- Ngayon ay viral na ang mga dance challenge, pagrampa at pagcover gamit ang awitin, na tila naging anthem na ng "women empowerment".
Noong huling bahagi ng Oktubre, 2021, naglabas ng panibahong single si PBB Lucky Season 7 Big Winner at isa sa pinakamainit na Kapamilya talent ngayon na si Maymay Entrata, ang "Amakabogera".
Ito ay isinulat nina Loriebelle Darunday at Elmar Jan Bolano na s'ya ring nag-compose kasama si Justin Ian Catalan. Layunin ng awiting iyon, lalo na sa kababaihan na manatiling matatag at malakas ang kalooban sa kabila ng sari-saring boses na naririnig sa kanilang paligid. Ayon din sa mensahe ng awitin, maging totoo lang sa sarili, maging kuntento at may kumpyansa at hindi nagpapatinag sa mga sasabihin ng ibang tao.
Ayon kay Maymay sa isang bahagi ng kanyang panayam, huwag magduda at wag hayaan ang sarili na ikumpara ka sa iba. Isipin raw lagi na maganda ka, natatangi ka, at matatag ka, at huwag ding hayaang mapagtagumpayan ng iba ang sarili mong kagustuhang magtagumpay sa buhay.
Bukod sa matapang na kahulugan ng awitin, mas narinig ng marami lalo ng kanyang mga tagahanga ang lalong lumalawak na vocal range ni Maymay at ang galing nito sa pagsayaw at pagrampa, at pagpapakita ng tunay na kagandahan, katapangan at pagiging natural sa sarili. Kaya naman nagtrend sa YouTube ang official music video nito na sa ngayon ay umabot na ng higit 5 milyong views, habang ang YouTube video ng "WishClusive" performance nito sa bus ng radio station na Wish 107.5 ay umabot naman sa higit 6 milyong views, patunay din na marami ang nakakaunawa o nakakarelate sa kung ano ang nilalaman ng kanta, lalo na ng mga kababaihan, na sa sobrang ganda rin ng awitin, tila naging "anthem" na ang kanta tungkol sa "women empowerment".
At dahil nga sa pagtrend ng naturang awitin, nauuso rin sa social media, lalo na sa video sharing app na TikTok ang mga "dance challenge", pagrampa ng mga babae, pati ng mga nasa LGBTQIA+ community at mga cover gamit ang naturang awitin. Hindi rin nagpakabog ang ilan sa sikat na personalidad at beauty queens gaya ni singing internet sensation na si Zendee, at ang mga Miss Universe na sina Catriona Gray at Pia Wurtzbach.
Hindi rin nagpadaig ang mismong "kabogera" ng taon na si Maymay, nang mas ipinakita ang mas pinatodo nyang performances sa kanyang digital concert na "M-POWERED" nitong Biyernes, Nobyembre 26, kasama ng ilan sa mga bituing naging guest nya gaya nina AC Bonifacio, Darren Espanto, Mimiyuuuh, at marami pang iba.
Sa susunod, ano kayang pasabog ang ihahatid ng nag-iisang "Amakabogera"?! Yan ang ating aabangan sa ngayon ay isa sa nagtataguyod ng P-pop movement sa bansa na si Maymay Entrata.
Samantala, available pa rin ang awiting "Amakabogera" sa iba't ibang digital music platforms.