- Nagviral kamakailan ang isang video kung saan isang palaboy ang nagpamalas ng kanyang angking galing sa pagkanta noong inawit nya ang sikat na awiting "Just Once".
- Nang mamukhaan s'ya ng isang vlogger sa isang kainan, kanya itong tinulungan, inayusan at binigyan pa ng makeover.
- Tila nag-"glow up" ang palaboy na si Jun at halos di na makilala. Napag-alaman rin na nakaranas s'ya ng depression noong 25-anyos pa lang s'ya.
Kamakailan, sa Catarman, Northern Samar ay nagviral ang isang video na inupload ng isang "Fernan" kung saan nagpamalas ng talento ang isang palaboy na nagngangalang Vivencio Empelmado, Jr. o "Jun" at inawit n'ya ang sikat na awitin ng yumaong si James Ingram, ang "Just Once".
Kinupkop ng naturang uploader si Jun, pati ang kanyang kapatid na isa ring palaboy.
At tila nagkaroon ng panibagong pagkakataon ang palaboy sa buhay, nang minsang tumambay s'ya sa isang kainan, at mamukhaan s'ya ng isang vlogger, si Rey Mondaca Bayagusa na mas kilala sa kanyang "Boss Rey Vlogs".
Dahil sa nais na makatulong, binigyan ni Rey si Jun ng instant makeover sa isang barberya, inayusan at dinamitan nang maganda, at makalipas noon, tila di s'ya mamukhaan dahil sa laki ng ipinagbago ng itsura nya, na malayo sa kanyang "palaboy" look.
Sa panayam sa kanya ng programang "24 Oras", ibinahagi ng blogger ang pagkikita nila ni Jun.
"Sabi ko sa tao ko, 'Nakita mo ba ito noong araw ng pagpasok mo?' Sabi n'ya, 'Parang nakita ko na yan, Kuya!' Sabi ko, 'Halika, samahan mo nga ako.' Sobrang galing ng talent nito, baka may pinagdadaanan lang," ayon kay Boss Rey.
Pinakain pa ng vlogger si Jun at binilhan pa ng grocery items.
Ikinuwento pa ng vlogger na hindi pa raw nakapag-asawa si Jun dahil s'ya ang umalalay sa kanyang mga magulang. Ayon pa kay Rey, 25-anyos si Jun noong nakaranas s'ya ng depression.
Sinabi pa ni Boss Rey na sasagutin ng kapatid nito ang check-up at pagpapagamot kay Jun at sa kapatid nito at bibigyan pa ng pangkabuhayan kapag gumaling na sila.
"Huwag natin bibilangin kung ano lang ang naitulong natin. Si God na po ang bahala d'yan kung ibibigay sa atin kung ano ang pangangailangan natin. Huwag magsawang tumulong hangga't meron. Sabi nila, may ipon ka, mas maganda na tumulong kaysa ibili mo ng mga mamahaling bagay," ayon pa kay Boss Rey na nakaranas din ng hirap sa buhay kaya dama n'ya ang pinagdaraanan ni Jun.