- Isang Pinoy ang nag-viral dahil sa panggagaya nito sa dunks ng ilang NBA icons.
- Siya ay si Jay Carlo Davalan Damolo, o "Kaloy", isang 5'6 na binata na pinagusapan dahil sa pagkopya nito sa mga dunk nina Vince Carter, Michael Jordan, LeBron James at marami pang iba.
- Ayon sa Facebook page na "House of Bounce", mahusay ang pagkakakopya ni Kaloy sa mga dunk, dahilan para ito ay magviral.
Basta usapang basketball, hindi magpapahuli ang mga Pinoy d'yan, at kung minsan nga, kung anong ginagawang pang-highlight ng manlalaro mapa-NBA, PBA, FIBA o college hoops, e gagayahin natin yan para kahit papaano ay magpasikat.
Isang Pinoy ang pinag-uusapan ngayon dahil sa panggagaya nito sa dunks ng ilan sa mga NBA icons.
S'ya ang 5'6 na si Jay Carlo Davalan Damolo o kilala sa social media bilang si Kaloy. Nag-viral kasi ang ginagawa nitong panggagaya sa dunks ng ilan sa mga sikat na NBA player nannakakagawa rin ng dunks na pang-highlight sa ilang laro.
Sa isang compilation ng video ng kanyang dunks, na pinost ng Facebook page na "House of Bounce", mapapanood ang ginagawa ni Kaloy ang dunks sa kanilang likod-bahay na ginawang basketball court, gaya ng mga ginagawa ng ilang NBA players na nanggulat sa mga basketball fan sa buong mundo.
Unang mapapanood sa posted video ang paggaya ni Kaloy sa iconic dunk ng tinaguriang "Half-man, Half-amazing" na si Vince Carter sa Pranses na si Frederic Weiss sa 2000 Sydney Olympics. Sumunod dyan ang pagkopya naman ni Kaloy sa "in your face" dunk ni "His Airness" at Chicago Bulls legend Michael Jordan sa sentro ng New York Knicks na si Patrick Ewing noong 1991 NBA Playoffs. Napanood din doon ang tila re-enactment ng pamamahiya ni LeBron James kay Jason Terry sa homecourt mismo ng Boston Celtics noong 2013, kung saan nasa poder pa ng Miami Heat si "King James".
Ilan pa sa mga ginayang dunks ni Kaloy ay ang tomahawk slam ni Blake Griffin sa harap ni Timofey Mosgov noong 2010, ang salpak ni Dwyane Wade kay Kendrick Perkins at ang poster dunk ni Paul George kay "Birdman" Chris Andersen noong 2013.
Umabot nang hanggang 12,000 shares at higit 70,000 reactions ang nasabing video sa loob lamang halos dalawang araw matapos itong i-upload.
Ayon sa "House of Bounce", maganda kasi ang pagkakakopya ni Kaloy sa mga dunk, kaya naman di kataka-takang nag-viral ito. Patunay din na di kailangan ng isang magandang basketball court upang makapagpasaya ng manonood.