Patuloy na pinag-uusapan sa social media ang mga trending na eksena sa primetime teleserye na “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan hindi maiwasan ng iba na madala sa ilang intense na eksena.
Gaya na lang ng reaksyon ni Police Captain Lia Mante (Jane de Leon), hindi rin nagustuhan ng maraming viewers ang mga naging aksyon ng bidang si Cardo Dalisay (Coco Martin) sa mga nakaraang episode ng FPJAP lalo na sa pagsugod nito kasama si Ramil o Manager (Michael de Mesa) sa headquarters ng Black Ops.
Sa kabila ng kasunduan ni Lia at ng Task Force Aguila na huwag papakialaman ang Black Ops, itinuloy pa rin Cardo ang balak na paghihiganti sa pagkamatay ng asawang si Alyana (Yassi Pressman) na ikinasawi at ikinasugat ng ilang miyembro ng grupo nina Lia, sa pangunguna ni Police Major Albert de Vela (Geoff Eigenmann).
Ayon sa ilang nakapanood, hindi dapat nagpapadala si Cardo sa kaniyang galit at poot para lamang makamit ang inaasam na hustiya, lalo marami ang maaaring madamay tulad na lamang ng mga kasamahan nito sa Task Force Aguila.
Dagdag pa ng ibang netizens, hindi solusyon ang dahas at paghihiganti ang nangingibabaw sa puso ng bidang karakter.
Narito ang ilang hirit ng ilang solid na kaProbinsyano sa ilang eksena:
“Grabe, Cardo. Mali ang ginawa mo."
“Sa batas ng tao at sa mata ng Diyos sila mananagot."
"Napakaselfish mo, Cardo!"
Samantala, sang-ayon ang iba sa galit at pagkadismaya na naramdaman ni Lia nang bumalik ito sa kanilang bahay at komprontahin si Cardo sa kanyang ginawang paglusob.
"Sige Lia, iparamdam mo na mali si Cardo,” pagtatanggol ng isa pang viewer.
Ayon pa sa ilan, mali ang naging desisyon nitong lusubin ang kampo ng Black Ops at hindi na n'ya inisip ang mga kabutihang nagawanng pamilya Mante sa grupo n'ya.
Hanga naman ang iba sa pinakitang pag-arte ni Jane at sinabi pa na sana ay ganung babae ang makita nila sa sandaling masilayan na nila ang aktres bilang si "Darna" - palaban.
Nakaramdam naman ng awa ang maraming viewers sa pagdukot at pagputol sa kamay ni Dra. Audrey (Aya Fernandez) ni Señor Enrique Vera (Simon Ibarra) bilang paghihiganti rin sa ginawa ng ama ng doktora na si Atty. Fernando Mante (Christian Vasquez).
Tinawag ng mga netizen na duwag si Vera dahil hindi dapat idinadamay ang mga anak sa umano ay katrayduran na ginawa ni Frenando sa dating kliyente.
"Kawawa naman siya. Bakit pati siya nadadamay?” sambit ng manonood.
Kapana-panabik ang mga susunod na ganap sa patuloy na nangungunang teleserye sa bansa lalo at tuluy-tuloy na ang paghihiganti nina Cardo at Lia kay Señor Vera sa kapahamakang ginawa nito kay Dra. Audrey.
Abangan lagi ang FPJAP gabi-gabi, alas-8:00 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, CineMo, at sa free TV via A2Z at TV5. Mapapanood rin yan sa video streaming app na WeTV iflix.
Info source: ABS-CBN News