- Sa tuwing sasapit ang "Ber" months, isa na ang batikang singer-songwriter na si Jose Mari Chan sa mga unang-unang iisipin ng mga Pilipino.
- Matapos ang 31 taon, patuloy ang pagtangkilik ng mga Pinoy sa maituturing na regalo ng Diyos kay Chan, ang awiting "Christmas in Our Hearts".
- Naging emosyonal rin ng batikang mang-aawit tungkol sa isang di makakalimutang karanasan sa isa n'yang concert sa isang lugar sa Mindanao, kung saan, karamihan sa audience ay mga Muslim.
Isa na ang singer-songwriter na si JOSE MARI CHAN sa mga unang iisipin ng mga Pinoy pagsapit ng "Ber" months, dahil pagsapit pa lang ng September 1, ang awitin n'yang "Christmas in Our Hearts" ang unang unang patutugtugin.
Ilang oras bago sumapit ang Setyembre, naglabasan ulit ang kanyang memes na hudyat na nalalapit na nga ang sinasabing "pinakamahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan" sa Pilipinas.
Sa panayam sa kanya ni Mario Dumawal sa TV Patrol nitong August 31, binati n'ya agad ang sambayanan ng isang maligaya at nawa ay manatiling malusog ngayong Pasko.
"Christmas is fast-approaching, and Christmas means family. Very important to be healthy, so I urge each and everyone of you to get yourself vaccinated," payo ni Chan sa na magpabakuna na upang malabanan ang sakit lalo na ang CoViD-19.
"Protect yourself, protect your family, and to protect others who are working with you, please, have yourself vaccinated," pakiusap pa ng beteranong singer na sikat ring taga-gawa ng di mabilang na TV at radio jingles.
Naikwento rin ni Chan ang kanyang naging karanasan noong minsang nagdaos s'ya ng concert sa Lanao del Norte. Doon ay naging emosyonal ang singer habang isinalaysay n'ya ang mga ganap noon, lalo at kahit karamihan sa mga nanood noon ay mga Muslim, ang "Christmas in Our Hearts" ang hiniling nilang kantahin ni Chan. Nag-alangan man si Chan dahil "di pa Pasko", ay gusto nyang ibahagi ang mensahe ng awitin at ipadama ang diwa ng Pasko kaya kinanta rin n'ya yun.
Lalo s'yang naantig noong sumabay sa kanya ang audience sa pagkanta noong nasa chorus part na o ang part na inaawit ng kanyang anak na si Liza. Pakiramdam ni Chan, ang awiting kanyang nilikha 31 taon na ang nakaraan ang nagsilbing "border crosser" o tulay upang iparating sa kahit sino ang mensaheng hatid ng kanta, lalo at patungkol ito sa Panginoong Hesukristo at sa pagbibigay sa kapwa.
Labis ang pasasalamat n'ya sa lahat ng patuloy na pagtangkilik sa "Christmas in Our Hearts" sa loob ng higit tatlong dekada. Nagpasalamat rin si Chan sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng isang "regalo" na pwedeng magbigay inspirasyon sa mga Pinoy.
"It was such a very touching moment in my career, so thank God for the gift of the song, to the gift of music," pahayag pa ni Chan.
Sa huling bahagi ng panayam, may binahagi si Chan na isang bagay upang manatiling positibo sa buhay at magmukha pa ring bata sa kabila ng edad.
"I'm 76... It's in the attitude. I always tell people, 'You smile is your best attire.' so keep smiling," pagbabahagi pa ni Jose Mari Chan.
Nagung bahagi na ng mga Pilipino, lalo sa tuwing pagsapit ng Kapaskuhan ang awiting "Christmas in Our Hearts", na nagpapaalala lagi sa atin ang tunay na diwa ng Pasko, na napapanahon na rin ngayong nasa gitna pa rin tayo, at ng buong mundo, ng pagsubok dulot ng pandemya.