- Isa na si Andrea Brillantes sa mga pinakamasisipag na batang celebrity ngayon, at nakatulong ang kanyang pag-aartista upang matupad ang mga pangarap at makatulong sa pamilya.
- Sa kanyang latest vlog, inamin ni Andrea na maka-ilang beses na n'yang binalak na talikuran ang showbiz.
- Sinagot rin n'ya ang iba pang "hate comments" mula sa ilang netizens, na pumupuna sa kanyang kilos, pag-aayos sa sarili at iba pa.
Bata pa lang, kinakitaan na ng galing ang teen actress na si Andrea Brillantes. Mula sa pagiging cute na child actress na bumighani sa atin sa ilang teleserye gaya ng "e-Boy", "Hawak Kamay" at ang breakthrough hit n'ya na "Annaliza", mas umusbong ang kanyang talento at galing nang nagdalaga ito at lalong nagmarka ang kanyang mga pagganap sa ilan pang serye gaya ng "Pangako Sa'yo" at "Kadenang Ginto". Kaya naman si Andrea na ang masaaabi nating isa sa mga tinitingala ngayon na aktres ng bagong henerasyon, dahil na rin sa kanyang kasipagan sa trabaho, bukod pa sa taglay na ganda at talino lalo sa pagiging magiliw nya sa kanyang mga taga-suporta at followers sa social media.
Sa kanyang latest vlog, inisa-isa ni "Blythe" ang hate comments ng ilang netizens, at inamin ng Kapamilya young actress na maka-ilang beses na n'yang binalak na iwan ang mundo ng showbiz.
Isa sa mga basher nito ang nagsabing “Quit showbiz already!” na agad naman nitong sinagot na, “Ang dami ng beses na gustong-gusto ko na kasi, promise. Akala niyo ang dali-dali."
“Ang hirap-hirap, lalo na kung breadwinner ka. Hindi lang kasi kapag nahirapan ako ay quit na. Alam mo ‘yon, kapag binash niyo ako lahat ay quit na,” depensa pa ng aktres.
Dagdag pa n'ya, “Kasi may responsibility ako kaya hindi ko siya puwedeng bitawan nang bigla.”
Bwelta pa niya sa basher, nagsisipag at nagpapakahirap siya sa pagtatrabaho para mabigyan ng maganda at maayos na buhay ang kanyang pamilya.
“Kaya nga nag-iipon ako ngayon. Magkaroon ako ng early retirement para magkaroon ako ng peaceful life," ayon kay Andrea.
“Para kapag magkakaroon ako ng pamilya ay wala nang manggugulo. Pero I’m sure guguluhin niyo pa rin ako,” sabi pa ng dalaga.
Sinagot din niya ang mga netizens na pumupuna sa kanyang pagaayos at kilos, na nagsasabing insecure, maangas, mayabang at “feeling superior” raw siya.
“Sa stage kasi kailangan mo maging confident. Paano naman ako magiging superior doon, wala naman akong ginagawa. Inapakan ko ba or inano ko ba ang tao," saad pa ni "Blythe".
“Paano ako maigiging mayabang kapag feel na feel ko lang ang sarili ko sa stage. As long as wala akong tinatapakan na tao and wala naman akong ginawa, literal sumayaw lang ako," paliwanag pa ng aktres.
“Alam niyo baka kayo ang insecure kasi kaya ko maging ganoon ka-confident sa sa stage,” matapang na sagot pa ni Andrea.
At sa mga nagkokomento na maarte at maldita siya, eto lang ang kanyang masasabi, “Lagi ko nakukuhang comment, maarte. Okay nage-gets ko rin ‘yon kasi kikay naman talaga ako, nagme-make up ako."
“Nag-aayos ako, nagti-TikTok ako. Kasi parte ‘yan ng trabaho. Kapag ‘di ako nag-post ‘di na ako magiging relevant and I have bills to pay," sabi pa ni "Blythe".
“Tapos sa maldita, kung nagpakita man ako sa ‘yo ng ganoon, siguro pagod lang talaga ako noon or mayroon akong sariling problema na iniisip, mayroon akong pinagdaaanan noon, I’m so, so sorry," ayon pa sa aktres.
“Pero ako talaga I try my best na ipakita talaga ‘yung best version ko lalo na sa fans, ‘yun ang possibly last moment na makikita nila ako at ‘yun ang maaalala nila for the rest of their lives kaya ayaw kong maging bastos ako sa kanila, kasi ‘yun na ang maaalala nila,” paliwanag pa ng isa sa pangunahing myembro ng The Gold Squad.
Patuloy na napapanood si Andrea Brillantes bilang si Mira sa inspirational series na "Huwag Kang Mangamba" gabi-gabi pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano" sa lahat ng available na Kapamilya online, cable at digital platforms at sa A2Z Channel 11 at TV5 sa free TV, at available din sa video streaming platform na WeTV iflix. Abangan din sya sa unang season ng iWant series na "Click Like Share" na kasalukuyang ipinapalabas tuwing Linggo, alas-8:30 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z.
Additional info from: Bandera/Inquirer