- Ilan sa mga teleserye ng ABS-CBN Entertainment ang ipinapalabas na sa Africa sa pamamagitan ng kanilang nangungunang pay television provider na StarTimes.
- Ito ay ang Sandugo, FPJ's Ang Probinsyano na kasalukuyang ineere doon at La Luna Sangre na ipapalabas sa kalagitnaan ng buwang ito.
- Kilala ang ABS-CBN sa paghahatid ng mga de-kalidad at de-kalibreng mga teleserye kaya minamahal ito, di lang ng mga Pilipino, kundi ng mga nasa ibang bansa rin.
Tatlo sa mga high-rating teleserye ng ABS-CBN Entertainment ang ipinapalabas ngayon sa kontinenteng Africa, sa pamamagitan ng kanilang nangungunang pay television provider na StarTimes.
Ito ay ang SANDUGO o "Fists of Fate", tampok sina Ejay Falcon, Aljur Abrenica, Jessy Mendiola at Elisse Joson. Kasama rin dyan ang ilan sa mga bigating artista gaya nina Ariel Rivera at Cherry Pie Picache. Ipinalabas yan sa Pilipinas noong Setyembre 30, 2019 hanggang Marso 20, 2020. Kasalukuyan itong ipinapalabas sa ilang bansa sa Africa simula noong Mayo 2021, kapalit ng "The Killer Bride" ni Maja Salvador.
Kasalukuyan na rin ipinapalabas sa higit 40 bansa sa Africa ang pinakamatagumpay na Pinoy teleserye sa kasalukuyan na FPJ'S ANG PROBINSYANO o "Brothers". Ito ay pinagbibidahan ng tinaguriang "Primetime King" na si Coco Martin. Kasama dyan sina Maja Salvador, Bela Padilla, Arjo Atayde, Albert Martinez, Agot Isidro, Miss Susan Roces, Jaime Fabregas, Belle Mariano at Simon "Onyok" Pineda. Umere na ang unang aklat ng naturang serye sa Africa simula noong Hulyo 1, 2021.
At inaabangan na rin ng mga Aprikano ang pagdating ng KathNiel sa kanila, dahil sa Hulyo 18, ipapalabas na rin doon ang LA LUNA SANGRE o "The Blood Moon", ang pangatlong installment ng Lobo at sequel ng Imortal. Ito ay pinagbibidahan ng real-life couple na KathNiel o sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Kasama rin dyan sina Angel Locsin, Richard Gutierrez, at John Lloyd Cruz sa kanyang espesyal na pagganap. Ipinalabas ito sa Kapamilya Network noong June 19, 2017 hanggang Marso 2, 2018.
Sadyang kilala ang ABS-CBN sa paghahain ng de-kalibreng at de-kalidad na programa at teleserye na minahal ng maraming Pinoy at maging ng mga nasa ibang bansa. Kaya asahan natin ang mas lumalawak na coverage ng ating ABS-CBN upang mas maraming Pinoy at mga foreigner ang maabot at madama ang WORLD-CLASS na panlasa na "Tatak-Kapamilya"!