- Unang narinig ang kantang "Alab ng Puso" ng Rivermaya noong 2001 bilang soundtrack ng isang pelikula ni Robin Padilla.
- Matapos ang dalawang dekada, muling inawit ng mang-aawit, musikero at dating frontman ng Rivermaya na si Rico Blanco bilang pagpupugay sa tagumpay ni Hidilyn Diaz na unang Pinoy na nakapag-uwi ng gintong medalya sa Olympics.
- Isa lang si Rico Blanco sa mga local at international celebrities na hanga sa puso na ibinigay ni Hidilyn sa bansa na nagbunsod ng tagumpay na tinatamasa n'ya sa kasalukuyan.
Naglabas ang mang-aawit at musikerong si Rico Blanco ng "re-recorded version" ng kanyang komposisyon na "Alab ng Puso". Inilabas ito noong July 27 sa kanyang YouTube channel.
Unang narinig ang "Alab ng Puso", na inawit ni Rico, na dating frontman ng bandang Rivermaya, noong 2001 bilang soundtrack ng pelikulang "Buhay Kamao" tampok sina Robin Padilla at Rica Peralejo.
At matapos nga ang dalawang dekada, kinanta ulit iyon ni Rico bilang pagpupugay n'ya sa Pinay weightlifting queen na si Hidilyn Diaz, na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipino na nakasungkit ng gintong medalya sa Olympics. Pinasalamatan rin ni Rico ang Olympian dahil s'ya ang nagsilbing inspirasyon nito.
“Gumising ako kanina at hindi parin makapaniwala na may Olympic gold medal na ang Pilipinas,” ayon kay Rico.
Ibinahagi pa ni Rico na katumbas ng pagmamahal n'ya sa musika ang pagmamahal n'ya sa isports, minsan raw ay higit pa roon. Inalala pa n'ya ang kanyang katanungan noong bata pa ito kung kailan kaya darating ang panahon na makakamit ng Pilipinas ang gintong medalya.
“Mula sa pagkabata ko, iniisip ko kung kailan darating ang panahon. At dumating na nga... Sa mga balikat ni Sgt. Hidilyn Diaz, binuhat nya ang mga pangarap ng bawat Pilipinong katulad ko," ayon pa kay Rico.
Idinagdag pa ng musikero na s'ya ay inspired sa tagumpay na tinatamasa ni Hidilyn kaya naman ginawan nya agad ng recording ang naturang awitin na paraan na rin nya para pasalamatan ang atleta.
“Hindi ko mapigil ang pag-apaw ng inspirasyon mula sa kanya at nais kong magpasalamat lamang kaya’t agad-agad kong ginawa at inaalay sa kanya ang recording na ito,” saad pa ng singer.
Sa ngayon, ang naturang video na "Alab Ng Puso (Para Kay Hidilyn)" ay pumalo na sa higit 75,000 views at higit 6,900 likes.
Isa lamang si Rico Blanco sa local celebrities na nagdiwang sa tagumpay ni Hidilyn, kasama ang ilang international celebrities kabilang na ang bandang LANY.
Si Hidilyn Diaz ang pangalawang Pinoy athlete na nakakuha ng higit sa isang medalya sa Olympics. Ito ay unang nakamit ng swimmer na si Teofilo Yldefonso na nanalo ng tansong medalya sa men's 200-meter breaststroke noong 1928 at 1932. Si Hidilyn naman ay nauna nang nanalo ng pilak na medalya noong 2016 bago ang makasaysayang gintong medalya ngayong taong ito.
Additional info from: Inquirer.net