- Edad 14 pa lang, sinabak na agad sa beauty pageant si Raizel Calago na mula sa Arakan, Cotabato, dahil sa taglay nitong kagandahan
- Ngunit sa loob lang ng 2 taon, ang ngayo'y 16-anyos na dalaga ay mukha nang 50-anyos at mas matanda pa sa kanyang 36-anyos na ina.
- Napag-alaman ng eksperto na mayroon s'yang pambihirang kondisyon kung saan napapabilis ang pagtanda ng isang tao at mayroon lamang 200 documented cases ang naturang kondisyon.
Dahil sa natural na taglay na kagandahan, isinabak agad sa isang beauty pageant sa Cotabato ang noon ay 14-anyos na si Raizel Calago na tubong Arakan.
Pero sa paglipas ng panahon, tila napabilis ang pagtanda ng dalaga, dahil sa unti-unting pagbabago ng kanyang itsura at katawan, at sa loob lang ng 2 taon, ang ngayon ay 16-anyos na si Raizel ay nagmukha nang 50-anyos.
Marami sa kanyang mga kaibigan at kakilala ang nagtataka kung bakit nagkaganun ang itsura nya ganung bata pa s'ya. Maging ang kanyang ina ay labis na nasasaktan sa sinapit ng anak, lalo at sinasabihan pa na "mas matanda" pa ang anak sa kanyang ina.
Ayon pa kay Aling Joela, 36, ina ni Raizel, hindi n'ya maalis sa kanyang isipan ang posible pang mangyari kapag lumaki pa ang kanyang anak na dating hinahangaan dahil sa kanyang ganda.
Nagsimula raw ang pagbabagong iyon noong nakaramdam ito ng pangangati sa katawan at iyon umano ang dahilan ng pangungulubot ng mukha, leeg, braso, tyan at iba pang parte ng katawan. Nakakaramdam din ang dalaga ng pananakit ng likod mula sa matagal na pag-upo o pagyukod. Ayon pa sa dalaga, wala pa mang pandemya, naka-face mask na s'ya at nakajacket upang takpan ang mga nangyari sa kanyang katawan.
Nang ipatingin sya sa eksperto, napag-alaman na si Raizel ay may "Progeria", isang pambihirang kondisyon kung saan pinapabilis nito ang pagtanda ng isang tao. Sa ngayon ay may 200 documented cases ang naturang karamdaman o kondisyon. Apektado nito ang balat kung saan mabilis itong mangulubot. Apektado rin ang kanyang tangkad, nagbabago ang itsura ng ulo at maging ang balat nito lalo sa mga parte na exposed sa sikat ng araw. Maari ring dapuan sa sakit ang mga may "Progeria" gaya ng atake sa puso, malaking risk ng stroke, at maging osteoporosis na pangkaraniwan na sa mga may ganitong klase ng sakit.
Sa ngayon ay wala pang lunas upang maibalik ang dating itsura ng dalaga ngunit naigagamot naman ang problema nito sa paghinga at sa buto.
Kaya't humihingi ngayon ng tulong ang pamilya ng dalaga sa mga mabubuting loob upang malunasan ang pambihirang kondisyon na ito sa dalaga. Bagamat wala pang lunas, umaasa pa rin si Raizel na maibabalik pa ang kanyang dating itsura at katawan sa tulong ng gamot at teknolohiya.
Info source: KMJS (GMA, June 20, 2021)