- Nagimbal ang lahat sa balita ng pagpatay ng isang Pulis sa isang Lola na bumibili lamang sa tindahan
- Itinanggi pa noong una ng pulis ang umano'y pag-baril niya sa matanda ngunit di niya alam na nakuhanan pala ng video ang pangyayari
- Humingi ng tawad sa pamilya ni Lola ang pulis ngunit iginiit nitong naipong galit ang dahilan ng kaniyang pagbaril sa matanda
Muling nagimbal ang lahat sa panibagong balita ng pagpatay ng isang walang kalabang labang Lola ang isang pulis na lasing pa nga.
Sa isang bagong panayam ay inamin na ni Master Sgt. Hensie Zinampan ang karumaldumal na krimen na kaniyang ginawa kay Lola Lilybeth na nauna niyang itinanggi ngunit dahil sa isang video ay nalaman ng lahat ang katotohanan.
Inamin din nitong naipong galit sa pamilya ng matanda ang puno't dulo ng pagpatay niya dito.
"Patawarin nila ako... Hindi nila ako nirerespeto. Binugbog ako. Na-black eye ako. Hindi nila nirerespeto ang pulis," aniya na tinutukoy ang dalawang anak ng biktima na umano'y inawat niya nang mag-away.
Ayon sa kwento ni Zinampan na kamakailan lamang ay ginulpi umano siya ng dalawa sa anak ni Lola Lilybeth sa kabila ng pag-aawat lamang nito sa awayan umano nito.
Ipina-blotter pa umano ni Zinampan ang nangyaring pambubugbog sa kaniya ng dalawang anak ni Lilybeth.
Kinumpirma naman ito ng anak ni Lilybeth ngunit iginiit na sana ay idinaan na lamang sa mabuting usapan ang alitan at hindi na nauwi sa pagkakasawi ng ina.
Tiniyak naman ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na matatanggal sa serbisyo si Zinampan anu pa man ang kalalabasan ng imbestigasyon.