- Nakapagtapos na ng pag-aaral ang 24-anyos na si Arnold Morales sa kanyang degree course sa kabila ng kanyang iniindang karamdaman.
- Taong 2017 noong s'ya ay ma-diagnose na may stage 5 (end-stage) chronic kidney disease. Dalawang taon s'yang tumigil sa pag-aaral dahil sa wala ring pantustos ang kanyang pamilya.
- Nang makabawi, pinilit n'yang mag-aral sa gabi kahit na sumasailalim s'ya sa dialysis nang tatlong beses kada linggo. Tanging kidney transplant lang ang makakapapabuti ng kanyang pakiramdam.
"Lahat ng pag-hihirap at pagtityaga ay magbubunga sa bandang huli."
Isang patunay na hindi hadlang ang karamdaman para maabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral ang naranasan ng 24-anyos na si Arnold Morales.
Nitong June 5, 2021, s'ya ay nakapagtapos ng Bachelor of Secondary Education, Major in Filipino sa Tayabas Western Academy sa Candelaria, Quezon.
Ito ay sa kabila ng pagkaka-diagnose sa kanya na may stage 5 (end-stage) chronic kidney disease noong 2017.
Sa kanilang virtual graduation rites, ibinahagi ni Arnold ang kanyang kwento ng pagsubok at tagumpay upang makapagbigay-inspirasyon sa iba pang estudyante na nahihirapang gumawa ng paraan para makapagtapos ng pag-aaral.
Aniya, "Nais ko pong gawin nilang inspirasyon ang istorya ko, na kahit nahihirapan sila sa sitwasyon natin sa pag-aaral ngayon (online o modyular), huwag silang sumuko."
Dalawang taon s'yang tumigil noon sa pag-aaral si Arnold dahil sa kawalan ng pantustos ng kanyang pamilya. Ngunit di pinanghinaan ng loob ang binata at nagpatuloy pa rin sa pag-aaral nang makabawi.
Si Arnold ay sumasailalim sa dialysis sa umaga, tatlong beses kada linggo, habang nagka-klase sa gabi sa kanyang four-year degree program.
Sabi pa nya, "Kung kinaya ko na may karamdaman, mas kakayanin nila."
Ayon pa sa binata, tanging kidney transplant ang makakapagpabuti ng kanyang pakiramdam at makabalik na rin sa kanyang normal na pamumuhay.
"Yung dialysis na po ang nagsilbing pamalit doon sa trabaho sana ng kidneys sa ating katawan. Ang kailangan po ay kidney transplant para matigil po yung dialysis at bumalik na sa normal ulit ang buhay ko po, ngunit kami po ay kapos sa pinansyal kung kaya't hindi po ako makakapag-paopera," ayon pa kay Arnold.
Kaya sana po, may mga mabubuting loob dyan ang tumulong para sa binata upang maisakatuparan ang pagpapaopera sa kanyang kidneys, upang di lang para makabalik sa kanyang normal na pamumuhay, kundi para na rin ma-fulfill ang kanyang pangarap, ang makapagturo sa mga estudyante bilang isang guro.
(Photos courtesy of Arnold Morales)